Bagong 32 omicron BA.5 cases, na-detect

NAKATUKOY pa ng dagdag na 32 bagong kaso ng omicron BA.5 subvariant ang Department of Health (DOH) sa pinakabagong genome sequencing sa mga test samples ng mga pasyente na positibo sa COVID-19.

Dahil dito, nasa 43 na ang kabuuang kaso ng omicron BA.5 sa buong bansa makaraan kasama ang 11 unang natukoy na mga kaso.


Sa mga bagong natukoy na kaso, 21 sa mga ito ay mula sa Western Visayas, tig-apat sa Calabarzon at National Capital Region, at tatlo naman sa Central Luzon.

Sinabi ni Health Underscertary Maria Rosario Vergeire na siyam sa mga kaso ay mula sa isang ‘workplace cluster’ habang tatlo ang galing sa ‘household cluster’.

Nasa 30 sa mga pasyente ang ‘fully-vaccinated’ na habang isa ang ‘partially vaccinated’ habang patuloy na biniberepika ang isa pang natitirang kaso.


Lima sa kanila ay asymptomatic habang 22 ang nakararanas ng ‘mild’ na sintomas habang inaalam pa ang nalalabing pasyente.

Hindi pa rin tukoy ng DOH kung paano nalantad ang mga pasyente sa BA.5 subvariant at inaalam pa rin ang kanilang mga travel history. (Jaymel Manuel)


Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read

Latest News