Buong pagmamalaking iniulat ni Bureau of Immigration (BI) deputy spokesperson Melvin Mabulac ang pagkaka-aresto ng tatlong Chinese fugitives ng BI-fugitive search unit (FSU) na pinamumunuan ni Rendel Ryan Sy, sa ginanap na year-end conference ng ahensiya nitong Miyerkules ng gabi.
Matindi ang inaresto na tinawag nilang ‘Baccarat Boys’ na nakapambiktima ng may 500,000 na manunugal at nakapanloko ng may CNY 8.6 million o humigit-kumulang sa P68 milyon.
Nadakip nitong December 2 sa Brgy. Tambo, Parañaque City, ang mga Chinese nationals na sina Wu Huifu, 38, na wanted sa pagpapatakbo ng illegal online gambling casinos at assistant niyang si Li Yong, 48, na may warrant din umano mula sa Chinese authorities.
Ani Mabulac, itong si Wu ay subject ng January 2025 warrant na inisyu ng Binzhou Public Security Bureau, operator ng maraming overseas online gambling platforms at nakapagmanipula na ng mga betting systems para manloko ng players kung saan nga ang biktima ay umabot ng 500,000 na nakuhaan niya ng higit CNY 8.6 million.
Dati daw nagta-trabaho sa POGO firm si Wu at di na umalis kahit pa may ban na sa POGO at kasama din ito sa BI derogatory database.
Bago niyan, nitong December 1 ay nahuli naman si Hao Bin, 57, sa NAIA Terminal 1 habang papuntang US via Singapore.
Ayon kay Mabulac, tiniyak ng BI APIS at BI- INTERPOL Unit ang pagkakadakip ni Wu, na subject umano ng Interpol Red Notice (2024) at may kasong ‘misappropriating funds under Article 272 of Chinese criminal law’ na isinampa ng Qingdao Public Security Bureau (2023), dahil sa paglustay ng perang di kanya sa halagang CNY 977.85 million o higit-kumulang sa P8.1 billion.
Sa unang pagkakataon din ay inanunsiyo ni Mabulac ang plano ng BI na ipa-deport ang taga-import umano ng mga kuwestiyonableng mamahaling sasakyan ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.
Ito ay si Cao Cheng, 41, na ayon kay LTO Assistant Secretary Markus Lacanilao, ay dati na palang naaresto sa Makati nitong November 27 at na-detain pa sa Special Operations Division ng Highway Patrol Group sa Camp Crame.
Ang mga paglabag na ginawa nito ay obstruction of apprehension, illegal use of alias, false representation at willful misrepresentation at sa mga dokumento ay gumamit umano si Cao ng alyas na “Martin Zhao” partikular na sa LTO records.
Si Cao ay nakatkdang ilipat sa BI facility sa Taguig matapos ang inquest at medical exam at ito ay nahaharap sa isang BI case na pag napatunayang guilty, siya ay made-deport at magiging ‘blacklisted’ na ibig sabihin ay di na ito makakabalik ng Pilipinas.
Ilan lamang ito sa mga accomplishments ng masisipag at magagaling na tauhan ng BI na iniulat nina Mabulac at spokesperson Dana Sandoval, sa ilalim na pamumuno ni BI Commissioner Anthony Viado.
Congrats sa mga taga-BI for a job well done!!!
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














