BINALAAN ng Philippine Consulate General sa Hong Kong ang mga employers na ilalagay sila sa blacklist dahil sa ulat na basta na lamang sinisibak at pinababayaan ang mga empleyado nilang ‘overseas Filipino workers (OFWs) sa oras na tamaan ng COVID-19.
Ayon kay Consul General Raly Tejada, higit sa 10 OFWs na napuwersang matulog sa labas ng mga pagamutan makaraang basta na lamang sibakin ng mga employers ang kanila nang nailigtas.
“‘Yong mga walang pusong employer na nagkasakit na nga ‘yong ating mga kababayan, tinerminate pa, pananagutin natin sila sapagkat labag sa batas ng Hong Kong ‘yong mag-terminate ng empleyado. Sa madaling salita, hahabulin natin sila,” ayon kay Tejada.
Sa datos ng POLO (Philippine Overseas Labor Office) sa Hong Kong, nasa 60 OFWs na ang nagpositibo sa COVID-19 dahil sa ikalimang wave nito dulot ng Omicron variant. Nasa 49 ang asymptomatic at nasa ‘community isolation’, siyam ang may sintomas at nasa ospital habang dalawa ang nakarekober na.
“Upon receipt of requests for assistance, POLO immediately coordinated with the Hong Kong Center for Health Protection and non-government organizations for the hospital admission and/or quarantine of concerned OFWs,” ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Binisita na rin ng mga opisyales ng POLO ang mga quarantine facilities at nagbigay ng pagkain, gamot at power banks sa mga OFWs. Nakapagbigay na rin sila ng US$200 sa mga kuwalipikasong OFWs sa ilalim ng After-care Financial Assistance Program at dagdag na &200 ukol sa pangangailangan nila sa quarantine facilities.
“As COVID-19 infection is not a valid ground for termination, POLO closely coordinated with employers to reassure workers that they can still return to work once they recover,” pahayag ng DOLE.