BABALA NI GEN MARBIL: MANATILING APOLITICAL, ‘WAG SUMAWSAW SA PULITIKA

By: Victor Baldemor Ruiz

ILANG araw bago ang paghahain ng certificates of candidacy ng mga aspirante para sa 2025 midterm elections ay nagbabala si Philippine National Police Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga kapulisan na manatiling ‘neutral’ at ‘apolitical’.

Nagbabala si Marbil sa kanyang mga tauhan na huwag makisawsaw sa anumang political activities at huwag hayaang maimpluwensyahan o magamit ng mga pulitiko .


Sa isang statement, inatasan ng PNP chief ang lahat ng local police units na manatiling mapagbantay at gampanan ang kanilang tungkulin nang mahusay sa ilalim ng ‘Quad principle’ at tiyakin ang kaligtasan ng publiko.

Paalala ni Marbil na ang trabaho ng kapulisan ay para ipatupad ang batas nang walang pinapanigan at ang sinumang kapulisan na sangkot sa anumang uri ng political interference, direkta man o hindi, ay agad na tutugunan ng kaukulang aksyon.

Ang pagiging neutral sa pulitika ay isang pangunahing responsibilidad ng kapulisan at ang tanging ang pagboto lamang ang political exercise na maaring salihan ng kapulisan, paalala pa ng heneral.


Nagpaalala din ito sa kapulisan kaugnay sa kanilang tungkulin na siguruhin ang mapayapa, maayos at ligtas na halalan, gayundin sa publiko na makipag-tulungan sa mga awtoridad at i-report ang anumang iregularidad sa law enforcement personnel.

Ipinag-utos din nito na sa mga kapulisan na paigtingin ang kanilang pagbabantay para maiwasan ang anumang krimen na may kinalaman sa halalan.


You May Also Like