Muling nagbabala ang National Disaster Risk Reduction Management Council sa publiko ngayon ganap na isang Severe Tropical Storm ang Bagyong Karding at kasalukuyan itong nagdadala ng pag-uulan sa iba’t- ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa NDRRMC , nagbabanta ito ng posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.
Pinag-iingat at inaabisuhan ang lahat na makinig at sumunod sa payong pangkaligtasan ng mga awtoridad lalo na sa mga lugar na tinatahak ng bagyo.
Kagabi at hanggang ngayong umaga ng Linggo ay makararanas ng mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan sa Batanes, Cagayan, Isabela, hilagang bahagi ng Aurora, Catanduanes, Camarines Norte at Camarines Sur.
Ngayong weekend hanggang bukas Lunes ng umaga ay makararanas ng malakas hanggang matinding pag-uulan at kung minsan ay napakatinding buhos ng ulan sa bahaging timog ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Benguet, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Tarlac at hilagang bahagi ng Zambales.
Katamtaman hanggang malakas at kung minsan ay matinding pag-ulan naman ang mararamdanam sa nalalabing bahagi ng Gitnang Luzon.
Katamtaman hanggang malakas na pag-ulan naman sa Cagayan, Ilocos Provinces, CALABARZON, damay ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Isabela at Cordillera Administrative Region.
Namataan ang bagyo sa layong 660 kilometro Silangan Timog-silangan ng Tuguegarao City, Cagayan o 595 km Silangan ng Casiguran, Aurora.
May lakas ng hanging umaabot ng 100 km/h mula sa sentro ng bagyo at pagbugso ng hanging aabot sa 125 km/h.
\
Inaasahan pang mas lalakas ang Bagyong Karding bago ang pagtama nito sa kalupaan sa bahagi ng Gitna o Hilagang Luzon.
\Nagsagawa na ng mga pagpupulong ang NDRRMC katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at Regional DRRMCs kaugnay ng paghahanda sa bagyo. (VICTOR BALDEMOR)