Babala ng Comelec: Kandidatong gagamit ng gender insensitive na campaign jingles, mahaharap sa diskuwalipikasyon

By: Jaymel Manuel

Nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) na maaaring maharap sa diskuwalipikasyon ang mga kandidato para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na gagamit ng mga gender insensitive na campaign jingles.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, nakarating na sa kanilang kaalaman ang paggamit ng ilang kandidato ng mga campaign jingles na bastos at offensive, upang makaakit lamang ng atensiyon ng mga botante.


Partikular na tinukoy ni Garcia ang isang kandidato mula sa Nueva Ecija, na hindi muna nito pinangalanan, ngunit binalaan na sasampahan ng diskuwalipikasyon kung hindi aalisin ang naturang jingle sa linggong ito.

“Tayo ay aware doon sa mga ilang gumagamit na hindi sensitive, ‘yung gender-sensitive. Meron kasing mga nangangampanya na gagawa ng mga jingle, na kahit na anong tingin, kahit anong basa, kapag narinig ng mga kabataan at mga bata, pangit sa pandinig eh. May gumagamit nang parang bastos,” pahayag pa ni Garcia, sa panayam sa radyo.

Iginiit ni Garcia na bagamat maaaring nakakatuwa sa iba ang naturang jingle o ito ang paraan nila upang makuha ang atensiyon ng publiko o botante, dapat pa ring tiyakin na gender-sensitive ito.


“Ibig sabihin no’n, ay alam natin, kinakailangan, hindi ito nakakabastos lalo na sa ibang kasarian. Therefore, ito ay babala sa kanila—sana ‘wag na nila i-play ‘yun at itigil na nila,” paliwanag pa niya.

Matatandaang sinabi na ng Comelec na kabilang sa mga prohibited election campaign o propaganda materials, ay ang mga lumalabag sa gender sensitivity principles, obscene, discriminatory, offensive o may paglabag sa Magna Carta of Women.


Noong Oktubre 19, umarangkada na ang 10-araw na campaign period para sa 2023 BSKE, at magtatagal hanggang sa Oktubre 28.

Ang aktuwal na halalan naman ay isasagawa sa Oktubre 30, 2023.


Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like