Latest News

Babaeng ‘wanted,’ dinakip habang kumukuha ng police clearance

By: Philip Reyes

Dinakip ng mga pulis ang isang babae na wanted pala, habang kumukuha ng police clearance sa Pasig City kamakalawa.

Kinilala ni Pasig City Police chief PCOL Celerino Sacro ang naarestong suspek sa alyas na ‘Margie,’ 24, at residente ng Brgy. Palatiw, Pasig City.


Batay sa ulat, nabatid na dakong ala-1:20 ng hapon nang arestuhin ng mga tauhan ng Caniogan Police Sub-Station 2 ang suspek sa loob ng kanilang tanggapan na matatagpuan sa Dr. Sixto Antonio Avenue, Brgy. Caniogan, Pasig City.

Nauna rito, nagtungo umano sa presinto ang suspek upang kumuha sana ng national police clearance.

Gayunman, habang pinu-proseso ang kanyang aplikasyon, natukoy ng mga pulis sa pamamagitan ng National Police Clearance System, na ang suspek ay wanted pala.


Hindi na nakapalag pa ang suspek nang arestuhin at silbihan siya ng mga pulis ng warrant of arrest na inisyu laban sa kanya ni Hon. Elisa Ramirez Sarmiento-Flores, Presiding Judge ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 71, dahil sa mga kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 o Republic Act No. 10175 at paglabag sa Section 8D ng RA No. 11765 o mas kilala sa tawag na The Financial Products Services Consumer Protection Act in relation to Section 6 of RA No. 10175.

Nakapiit na ang suspek habang hinihintay pa ang commitment order ng hukuman laban sa kanya.


Nagtakda naman ang hukuman ng P42,000 na piyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya.


Tags: Pasig City Police

You May Also Like