Agad na nasawi ang isang babaeng rider nang masagasaan at maipit pa sa gulong ng isang dump truck sa Ermita, Manila nitong Martes ng umaga.
Ang 21-anyos na biktima, na hindi na pinangalanan ng mga awtoridad, ay namatay noon din, habang hawak na ng mga pulis ang driver ng truck na maaaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide sa piskalya.
Lumilitaw sa ulat ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) na dakong alas-6:00 ng umaga nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng Roxas Boulevard.
Nauna rito, galing umano sa Nueva Ecija ang truck, na kargado ng buhangin, at patungo sana ng Cavite nang habang binabaybay nito ang kahabaan ng Roxas Boulevard ay aksidenteng masagasaan nito ang biktima, na nagresulta sa pagkaipit ng katawan nito sa pagitan ng gulong ng truck.
Nagdulot rin ng mabigat na daloy ng trapiko sa lugar ang pangyayari dahil inabot umano ng tatlong oras o hanggang alas-9 ng umaga bago tuluyang naialis ang bangkay ng biktima sa pagkakaipit.














