Dead- on-arrival sa ospital ang isang babaeng pasahero, matapos itong mawalan ng malay sa immigration area ng Ninoy Aquino international Airport NAIA Terminal 1.
Sa inisyal na report ng PNP-AVSEU NCR, alas- 3:15 ay papaalis patungong Singapore ang biktimang kinilalang si Myrna Agnas y Barrameda, Pilipino, 68 taong gulang at residente ng Zone 7, Hamoraon, Minalabac, Camarines Sur.
Nabatid na ang pasahero ay tinulungan ng isang attendant na isakay sa wheelchair papunta sa immigration area subalit bago makarating sa counter ng immigration ay nawalan na ito ng malay.
Sinubukan pa siyang gisingin ng nasabing attendant ngunit hindi na ito tumugon.
Dahil dito, agad namang tinawag ang atensyon ng MIAA Medical Team na pinamumunuan ni Dr. Rosalina Coleto at dumating ito bandang 4:05 a.m. para sa agarang medical assistance bago isinugod ang pasyente sa San Juan de Dios Medical Hospital.
Bandang 5:10 ng umaga nang idineklara ni Dr. Vergel Tatco na binawian na ito ng buhay dahil sa cardiac arrest. (JERRY S. TAN)