Agad na nasawi ang isang lady Food Panda rider nang mabangga at makaladkad pa ng isang firetruck habang umo-overtake ang biktima sa isang nakahintong pampasaherong jeepney sa Sta. Ana, Manila nitong Huwebes ng gabi.
Dead on the spot ang biktimang si Kathlyn Dela Cruz, Food Panda rider, 34, at residente ng 1354 J Burgos Street, Paco, Manila, dahil sa tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan.
Samantala, nasa kustodiya na ng mga awtoridad si FO2 Joey Ramento, 36, personnel ng Bureau of Fire Protection (BFP), na siyang nagmamaneho ng firetruck na may plate number na SAA 8198.
Batay sa ulat ng Vehicular Traffic Investigation Sectiom (VTIS) ng Manila Police District (MPD)- Traffic Enforcement Unit, dakong alas-6:10 ng gabi nang maganap ang aksidente sa westbound lane ng Pedro GII Extension, malapit sa kanto ng P. Carreon St., sa Sta. Ana.
Base sa kuha ng CCTV, nagmamaneho si Dela Cruz ng motorsiklo at binabagtas ang westbound lane ng Pedro Gil Extension sa Sta. Ana, nang bago sumapit sa kanto ng P. Carreon St. ay huminto ang isang pampasaherong jeepney, na minamaneho ni Alfredo Balaguer Jr., 56, na nauuna sa biktima upang magbaba ng pasahero.
Dahil dito, nagpasya ang biktima na mag-overtake pakaliwa.
Sinawimpalad nang masagi ng fire truck na noon ay bumabagtas rin sa naturang lugar, ang umo-overtake na motorsiklo ng biktima.
Dito na nawalan ng kontrol ang biktima sa motorsiklo at bumangga sa pampasaherong jeepney.
Bumagsak ang biktima mula sa kanyang motorsiklo at minalas pa na masagasaan at makaladkad ng fire truck, na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.














