HINDI na nagawang maisalba ang isang babaeng fire rescue volunteer nang mabangga ang sinasakyan niyang motorsiklo ng isang van sa Sta.Mesa, Manila,madaling araw nitong Sabado.
Idineklarang dead on arrival sa UERM Hospital ang biktimang si Raquel Santiago ,34, dalaga, nakatira sa 075 Evangelista Street, Santolan, Pasig City.
Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide ang driver na si Teddy Toralde , 52 ng 3710 Sun Valley Drive, Parañaque City.
Ayon sa pagsisiyasat ng Manila District Traffic Enforcement Unit , binabaybay ni Toralde lulan ng minamanehong van ang kahabaan ng eastward lane ng RM Blvd, Sta Mesa, Maynila at lulan naman ng motorsiklo ang biktima sa northbound lane ng V. Mapa Street nang mabundol ng van ang likuran ng motorsiklo sa intersection ng RM Boulevard at V. bandang 1:15 ng madaling araw.
Tumilapon ng may ilang metro si Santiago at agad namang rumesponde ang isang ambulansiya at isinugod ang biktima sa UERM hospital subalit idineklara itong dead on arrival.