Timbog ang isang babae sa tangka nitong pagpupuslit ng shabu sa National Bilibid Prison (NBP) noong linggo, matapos makitaan sa kanyang ari ng isang plastic ng shabu nang siya ay isailalim sa masusing inspeksiyon.
Ayon sa ipinadalang report ni Bureau of Correction(BuCor) chief Gregorio Catapang sa Department of Justice (DOJ), kinilala nito ang suspek na si Wilmar Castro, taga Rosario , Pasig, habang binigyan naman ng spot promotion si CO1 Everlyn Mary Pingian, na siyang nag-inspeksiyon kay Castro.
“We hope to have more Pingian in BuCor, worthy of emulation, siguro kung lahat ng corrections officers natin ay tulad nya, mababawasan ng malaki ang problema natin sa atin mga facilities,” ayon kay Catapang.
Ayon sa ulat, bibisita umano ni Castro ang kanyang pinsan na si Jeric Fino, na nasa Dorm 4B ng Medium Security Compound ng NBP, nang mapansin ni Pingian na parang may isiniksik ito sa kanyang ari nang mga oras na iyon.
Inatasan ni Pingian si Castro na mag-squat ng ilang beses hanggang sa lumabas ang shabu na nakabilot na parang tube, mula sa ari nito.
Pinigil ng mga bantay si Castro at kalaunan ay itinurn-over sa Muntinlupa Philippine National Police para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Samantala, itinurn-over naman sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nakumpiskang shabu mula kay Castro.














