BABAENG CALL CENTER AGENT, BINARIL SA HARAP NG ANAK, PATAY

By: Baby Cuevas

Agad na nasawi ang isang 41-anyos na babaeng call center agent matapos na barilin ng nag-iisang lalaking suspek sa harap mismo ng kanyang anak,kamakalawa ng gabi sa Quiapo, Maynila.

Kinilala ni Manila Police District -homicide chief PCapt. Dennis Turla ang biktima na si Laina Dorham y Sacaluran, ng Marantao Lodge, Quiapo, Maynila. Itinago naman ang pagkakakilanlan, edad at kasarian ng kanyang kasamang anak nang mangyari ang krimen.


Nakatakas ang suspek na diumano ay kilala ng biktima dahil binati muna umano nito ang biktima bago binaril.

Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente alas-9 ng gabi sa kanto ng A. Bautista at Norzagaray Street sa Quiapo, Maynila.

Sinabi ng mister ng biktima na bago naganap ang pamamaril ay sinundo pa siya ng kanyang misis at anak. Nauna lamang umano siya nang kaunti dahil bumili siya ng kanin, habang ang mag-ina naman ay nagpaluto ng pansit sa isang tindahan sa naturang lugar.


Laking gulat na lang umano ng mister nang makitang may lumapit sa asawa at kaagad itong binaril.

Lumalabas na wala umanong hinala ang biktima na mayroong masamang balak sa kanya ang suspek dahil binati pa umano niya ito nang lapitan sila.


Naisugod pa ng mister ang misis sa pagamutan pero idineklara itong dead -on- arrival.

Sa kuha ng CCTV ay nakita na mistula umanong inaabangan talaga ng suspek ang biktima dahil nakita pa itong nakaupo sa isang tricycle sa lugar.


Matapos makabili ng pansit, nakitang sinabayan pa ng suspek ang biktima sa paglalakad bago ito binaril.

Ayon sa mister ng biktima, kilala niya ang suspek pero hindi umano niya alam ang totoong pangalan nito at hindi rin umano niya alam kung bakit binaril ng suspek ang kanyang asawa dahil wala naman silang atraso dito.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow -up operation ang pulisya para madakip ang suspek at malaman ang motibo nito sa pamamaril.



Tags: Manila Police District-homicide

You May Also Like

Most Read

Latest News