Latest News

Babae, sugatan sa snatcher

By: Baby Cuevas

SUGATAN, napilayan at nagkapasa-pasa ang isang 59- anyos na babae matapos itong makaladkad nang agawan ng cellphone ng isang snatcher habang naglalakad sa kahabaan ng Road 9 sa Paco, Maynila nitong Martes ng hapon.

Ayon sa reklamo ng biktima na residente ng Onyx Street sa Brgy. 812, Paco, naganap umano ang insidente alas-4 ng hapon.

Isinalaysay niya sa Manila Police District – Station 6 na naglalakad siya sa nabanggit na lugar nang bigla umanong hinablot ng suspek na si Kevin John Manansala, 27, ng 2064 Batangas Line Street, San Andres Bukid at noon ay nakasakay sa isang Yamaha Mio na motorsiklo, ang cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng P25,000. Dahil diyan ay nakaladkad ang biktima at bumagsak sa sementadong kalsada.


Napag-alaman na nagsagawa ng backtracking ang mga tauhan ng San Andres Bukid Police Community Precinct (PCP) sa CCTV, na naging daan para ang suspek ay maaresto nina PSSg Carlo G Flores, PCpl Renz Mark M Ubay at Pat Evander A Clores, pawang taga- San Andres Bukid PCP .

Nabawi naman sa suspek ang cellphone ng biktima.


Ang suspek ay Itinurn-over naman kahapon ng alas-11:30 ng umaga sa MPD-Station 6 para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Art. 293 RPC (Robbery Snatching) sa Manila Prosecutor’s Office.


Tags: Manila Police District-Station 6

You May Also Like

Most Read