Babae natagpuang patay sa hotel na may tama ng bala sa katawan

By: Baby Cuevas

Natagpuang patay at may tama ng bala sa katawan ang isang 32-anyos na babae habang ang kasama nitong lalaki ay lumisang mag-isa, sa isang motel, sa Sta Mesa, Maynila, Biyernes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Chairmaine Medina, residente ng Lallana Extension, Tondo, Manila.


Suspek naman sa krimen at kasalukuyang tinutugis ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang Rogelio Magsino Jr., na nakitang nakasuot ng bull cap, green t-shirt, shot pants at puting tsinelas.

Sa inisyal na ulat, ang biktima at ang kasama nitong lalaki ay nag-check-in sa Town and Country motel sa Sta. Mesa, Huwebes ng hapon.. Kinabukasan, nakita sa CCTV na mag-isang umalis ng motel ang lalaki.

Wala umanong komosyon o putok na narinig ang mga staff ng motel, bagamat nakita na magulo ang loob ng inokupang silid ng dalawa. Nagkaroon pa umano ng inuman ang dalawa sa loob ng silid.


Sa nakalap na impormasyon, ang biktima at suspek ay magka-relasyon at may isang anak subalit hindi magkasama sa iisang tirahan.

Isa umanong dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang suspek na patuloy pang inaalam ang status at hindi pa matunton ang kinaroroonan, dahil hindoi ito natagpuan sa kaniyang address nang puntahan ng mga kagawad ng MPD at barangay.


Sinabi naman ni MPD-Homicide Section chief, P/Captain Dennis Turla na kinukumpirma pa nila kung dismissed o AWOL sa serbisyo ang nasabing suspek.

 


Tags: Manila Police District (MPD)

You May Also Like

Latest News