TINIYAK ni Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno na magpapatuloy ang pamamahagi ng ayuda sa lahat ng pamilyang Pinoy sa buong bansa, partikular na sa dalawang unang buwan ng kanyang administrasyon, sakaling palarin siyang mahalal bilang susunod na pangulo ng Pilipinas sa Mayo 9.
“Kung ako ay papalaring makapaglingkod bilang pangulo, gaya ng nasabi ko na noon, ang food pack ayuda sa ilalim ng Food Security Program (FSP) ng pamahalaang lungsod ay ating gagawin sa buong bansa para mapanatag ang mga tao. Hangga’t may pandemya, mamimigay tayo ng ayuda para sila ay may makain,” saad pa ni Moreno sa mga mamamahayag nitong Lunes.
Sa ilalim ng administrasyong Duterte, ?300 bilyong pondo ang inilaan para sa pamimigay ng cash ayuda para sa mga pamilyang ang kabuhayan ay matinding naapektuhan ng lockdowns dahil sa COVID-19 pandemic.
Una nang sinabi ni Moreno na kung siya ang magiging susunod na pangulo, dodoblehin niya ang ?300 bilyong budget para sa ‘ayuda’ at gagawin itong P600 bilyon upang matiyak na ang mga pamilyang apektado ng COVID-19-related lockdowns ay hindi magugutom habang gumagawa ng paraan ang pamahalaan na bigyan sila ng trabaho.
Una na rin namang sinabi ng presidential bet na tutugisin niya ang ?203 bilyong Marcos estate tax liabilities at gagamitin ang pera bilang karagdagang ayuda para sa mga pamilyang Pinoy.
“Ang mahalaga sa akin ay ang tao at ang kanilang mga bulsa at sikmura. Kaya naman itong ayuda ay gagawin ko sa buong bansa hangga’t lugmok ang ekonomiya dahil ayaw kong may magutom na mga Pilipino,” pahayag pa ni Moreno.
Nang matanong naman ng media kung paano niya planong pondohan ang nationwide provision ng food aid, sinabi ni Moreno na hihikayatin niya ang mas marami pang private sector na makilahok sa major infrastructure projects ng pamahalaan upang ang pondo para sa mga naturang flagship projects ay magamit sa ibang government priorities.
“Itutuloy natin ang ‘Build, Build, Build’ pero hindi na pera ng gobyerno ang gagamitin dahil mag-PPP na tayo, ang Public-Private Partnership. Tuloy pa rin ang development pero ang pera ng gobyerno, mapupunta sa pagkain para sa tao,” paliwanag niya.
Para matulungan naman ang sektro ng agrikultura at mga local suppliers, sinabi ni Moreno na bibili sila ng mga locally made products para sa mga food boxes.
“Gagawin nating two-pronged approach—bibilhin ko bilang gobyerno ‘yung produce ng mga nagtatanim ng gulay at nag-aalaga ng hayop at siya namang ipang-aayuda ko sa tao. So binili mo na at kumita ang mga farmers, makakain pa ang ating mga kababayan. Kumbaga, we are hitting two birds with one stone,” anang alkalde.
Ang probisyon ng ayuda sa lahat ng Pinoy na naapektuhan ng pandemya ay bahagi ng ‘Bilis Kilos 10-point Economic Agenda’ ni Moreno, na magsisilbing roadmap to transition ng kanyang administrasyon patungo sa economic recovery. (TSJ)