MUNTIK na umanong mabahiran ng dugo ang pagsisimula ng Lenten season nang bumagsak ang isang bahagi ng Simbahan na ikinasugat ng 34 katao sa San Jose Del Monte lalawigan ng Bulacan ayon sa local office of civil defense.
Ayon sa ibinahaging detalye ni City Disaster Risk Reduction Management Office head Gina Ayson, may 34 katao ang dinala sa pagamutan matapos na bumagsak ang ikalawang palapag ng St. Peter Apostle Parish Church na nasa Barangay Tungkong Mangga, SJDM.
Lumitaw sa pagsisiyasat na sa kalagitnaan ng Ash Wednesday Mass sa St. Peter Apostle Parish Church, pasado alas-7 kahapon ng umaga, ‘Araw ng mga Puso’, ay gumuho ang bahagi ng ikalawang palapag ng naturang Simbahan.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Council gaya ng San Jose del Monte City Police Station, Bureau of Fire Protection, City Engineering Office, City Traffic Management – Sidewalk Clearing Operations Group, City Health Office at City Disaster Risk Reduction Management Office.
Ayon sa mga saksi, may tumili nang malakas na sinundan ng sigawan at tuluyan nang gumuho ang bahagi ng second floor.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang clearing operations sa lugar.
Samantala, personal nang nagtungo si Mayor Arthur B. Robes kanina upang i-assess ang sitwasyon at siniguro ng alkalde na ang lahat ng involved po sa aksidente ay madala sa pagamutan.
Sinagot na rin ng lokal na pamahalaan ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng nasugatan sa insidente.
“As of 9:35 AM, 44 na ang sugatan at dinala sa mga sumusunod na ospital. 24 sa Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte, 9 sa Tala Hospital, 5 sa Brigino General Hospital, 3 Skyline Hospital, 2 Labpro Diagnostic Center at 1 sa Grace General Hospital,” ayon sa inilabas na update ng CDRRMO.
Hinihinalang dahil sa kalumaan ng simbahan ay bumagsak ang portion ng second floor ng St. Peter Church na yari sa kahoy at bumigay umano ito dahil na rin sa bigat ng mga nagsisimba kahapon , kasabay sa paggunita ng Ash Wednesday.
“Medyo marami po talagang tao dahil sabay po kasi siya e sa pagpila ng pagpapahid ng abo kaya po talagang medyo dumagsa po ang tao,” ayon kay Ayson.
Sa kabuuan po, meron po kaming pasyente na nadala po sa mga malapit na ospital na 34 na pasyente. Minor po ito na mga patients natin. Wala po tayong naitalang patay o kritikal puro mga minor bruises at mayroong mga iniindang sakit ng balikat, ani Ayson.














