Inalala at pinarangalan ang mga nasawing bayani at sundalo sa pamamagitan ng seremonyal na pag-aalay ng mga korona ng bulaklak at pagsisindi ng mga kandila bilang paggunita sa Araw ng mga Kaluluwa (All Souls’ Day). Isinagawa ang seremonya noong Oktubre 31, 2026, sa Libingan ng mga Bayani (LNMB), Fort Bonifacio, Lungsod ng Taguig. Mga Larawan: Cpl. Rodgen V. Quirante PA/PAO, PA

ASASALAMAT 2026: PHILIPPINE ARMY, NAGBIGAY-PUGAY SA MGA NASAWING BAYANI SA PAGGUNITA NG UNDAS 2026

By: Jesse Ruiz

Bilang paggunita sa Araw ng mga Kaluluwa (All Souls’ Day) ngayong taon ay hindi kinalimutan ng buong Hukbong Katihan ang kanilang mga kasamahang nagbuwis ng buhay para sa sinumpaang tungkulin.

Bilang pagkilala at paggunita sa kanilang ‘supreme sacrifice’ ay nakipagtulungan ang Philippine Army (PA) sa mga pangunahing katuwang at mahahalagang ahensiya ng pamahalaan upang parangalan ang mga nasawing bayani sa pamamagitan ng seremonya ng pag-aalay ng mga korona ng bulaklak, pagsisindi ng mga kandila, at paglalagay ng maliliit na watawat sa Libingan ng mga Bayani (LNMB), Fort Bonifacio, Lungsod ng Taguig.


Sa pamamagitan ng sabayang pagsisindi ng mga kandila at paglalagay ng maliliit na watawat, nagbigay-pugay ang mga kalahok sa mga sundalo, mga bayani at maging mga Pambansang Alagad ng Sining, scientists at mga dating pangulo ng Pilipinas na nakahimlay sa nasabing sementeryo.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Department of National Defense Secretary Gilberto C. Teodoro, Jr. ang kabayanihang ipinamalas ng mga hindi nakikilalang sundalo — mga kawal na nasawi sa mga labanan ngunit hindi na nakilala dahil sa mga pangyayaring nakapalibot sa kanilang pagkamatay.

Itinatayang 200 nakaunipormeng tauhan mula sa mga nakatalagang unit ng Philippine Army, Philippine Navy, Philippine Marine Corps, Philippine Air Force, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Taguig ang itinalaga upang palakasin ang mga operasyong pangseguridad mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 2, 2026.


Batay sa tala noong Oktubre 29, 2026, itinatayang 54,568 labi ang nakahimlay sa Libingan ng mga Bayani.

Ayon sa Grave Services Unit ng Philippine Army Support Command, itinatayang 90,000 katao ang inaasahang bibisita sa LNMB noong nakaraang taon, ngunit umabot sa 99,233 ang aktuwal na bilang ng mga dumalaw. Para naman sa 2026, inaasahang tataas pa ito sa 100,000 bisita.


Ang Philippine Army Support Command, sa pangunguna ni Commanding General Philippine Army (CGPA) Lt. Gen. Donald Gumiran, ay kaisa ng buong bansa sa pag-alala at pagbibigay-pugay sa mga bayaning nag-alay ng kanilang buhay sa paglilingkod sa mamamayan at sa bayan.


Tags: Libingan ng mga Bayani (LNMB)

You May Also Like

Most Read