NI GERRY OCAMPO
HINDI rin nakatiis si Arnold “Igan” Clavio na magbigay ng kanyang opinion tungkol sa ginawang pagpahid ni Alex Gonzaga ng icing ng cake sa waiter sa ginanap na birthday nito kamakailan.
Sa post ni Igan sa kanyang Instagram account, naikuwento niya na unang naging trabaho niya ay waiter kaya naka-relate siya sa ginawa ni Alex.
“Mga Igan, hindi ako natawa at hindi rin ako natuwa sa inasal ng actress na si Alex Gonzaga sa isang waiter noong birthday party niya.
“Aaminin ko, nasaktan ako.
“Bilang dating waiter sa isang fast food restaurant noong nasa kolehiyo. `di ko maatim na hindi mag-react sa maling trato ni Gonzaga sa aking kabaro.
“Yes, mga Igan, halos isang taong mahigit ako na nagsilbing waiter, busboy at cook sa Kentucky Fried Chicken Roxas Boulevard branch noong 1985-1987, kaya gano`n na lang ang respeto ko sa kanila hanggang ngayon.
“Malaki ang naitulong sa akin bilang working student para makapagtapos ako sa University of Sto Tomas. Nahubog din ako paano makikitungo sa kapwa anuman ang antas niya sa buhay.
“Kaya lagi ko na ipinagmamalaki ang aking karanasan bilang waiter sa mga kabataang mag-aaral. Walang hadlang para makamit mo ang iyong pangarap.
“At maging sa mga anak ko, lagi kong ipinapaalala sa kanila kapag kumakain kami sa labas na igalang at tratuhing mabuti ang isang waiter. Kapalit naman niyan ay mabuting serbisyo.”
Payo ni Igan kay Alex,
“Kitang-kita sa nag-trending na video ni Gonzaga na tila napahiya, nasaktan at na-insulto si Mamang Waiter nang pahiran siya sa mukha ng aktres ng bitbit niyang birthday cake.
“Kilalang Kikay bilang komedyante si Gonzaga kaya nagustuhan siya ng marami, Pero lagi niyang isipin na may limitasyon ang lahat at dapat maging maingat dahil ginagawa siyang huwaran ng kabataan, Ang biruang ganyan ay ginagawa ng magkakakilala o magkakaibigan pero hindi sa isang nilalang na hindi mo naman kakilala.
“Walang lugar na ipahiya mo ang isang tao sa publiko kilala mo man ito o hindi.
“Kung mahihimasmasan na, may panahon pa si Gonzaga na hanapin at personal na humingi ng patawad kay Mamang Waiter, Pagkatapos ay humingi siya ng public apology sa maraming netizens na hindi nagustuhan ang kanyang ginawa.
“Ang pagpuna sa kanya ng marami ay marapat pa ngang ipagpasalamat niya, Lahat tayo ay binibigyan ng pagkakataon na maituwid ang bawat pagkakamali at malalaman lamang natin ito sa mata ng iba. Walang personalan.”
Samantala, ipinaabot ng batikang TV host/broadcaster na muling aarangkada ang kanyang Igan Golf Tournament matapos ang dalawang taon pagkatigil dahil sa pandemya.