Patay ang isang sundalo na umaktong driver- security ng isang Philippine Army colonel na nabuhay nang tambangan sila nitong nakalipas na linggo sa Cotabato City.
Sa ulat ng military at ng local PNP, isinagawa ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang pananambang pasado alas-7 kamakalawa ng gabi sa Sinsuat Avenue, Rosary Heights 9, laban sa mga biktimang sakay ng isang kulay pulang SUV.
Hinihinalang sadyang target ng ambush ang nakaligtas na si Lt. Col. Maniago Balayman Macalantagui na nakatalaga sa Office of the Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa Cotabato City.
Napuruhan naman ang driver nitong si Army Corporal Ramil Upam Laguioman ng 6th Infantry Division CMO Battalion na naka- base sa PC hill, Barangay Rosary Heights 1, Cotabato City.
Nagawa pang maisugod agad sa Notre Dame Hospital ang mga biktima pero idineklarang dead-on-arrival si Laguioman.
Narekober sa crime scene ang pitong cartridges na pinaniniwalaang mula sa kalibre 45 baril at tatlong piraso ng bala.
Nagsasagawa ng follow-up investigation sa insidente ang mga awtoridad para sa pagkakakilanlan ng mga suspek na mabilis na nakatakas sa kanilang kill zone.
Hiniling ng mga imbestigador na makuha ang CCTV footage mula sa mga kalapit na establisimyento na maaaring makatulong sa imbestigasyon. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














