Camp Elias, Angeles, San Jose, Pili, Camarines Sur – Nadagdagan na naman ang bilang ng mga narerekober na mga armas ng Spear Troopers at Philippine National Police (PNP) mula sa Communist Terrorist Group (CTG) matapos ang isinagawang operasyon sa Barangay Bulala, Magallanes, Sorsogon.
Ayon kay Lt. Col. Nelson B Mico, Commanding Officer ng 22nd Infantry Battalion (22IB), ilang residente ang nagpaabot ng sumbong sa kanilang tropa hinggil sa mga nakatagong armas sa isang koprahan.
Isang joint AFP at PNP operation ang binuo at sa pangunguna ng Philippine Army 22nd Infantry Battalion katuwang ang local PNP ay sinalakay ang ang nasabing lugar.
Nabawi dito ang tatlong M16 rifle, isang KG9, tatlong anti-personnel mines, mga bala at iba pang mga kagamitang pang-propaganda.
Ayon sa mga nagsumbong, nabalitaan nila ang nangyaring pagbibigay ng impormasyon ng mga residente sa barangay Calmayon sa Juban ng nakaraang mga araw, kaya nagkaroon din sila ng lakas ng loob upang ituro ang mga nakatagong armas ng CTG.
Naniniwala si BGen. Aldwine Almase, Commander ng 903rd Infantry Brigade, na dahil sa galit ng mga tao sa karahasang ginagawa ng CTG kaya’t mas naging aktibo ang mga ito sa pakikipag-ugnayan sa otoridad lalong lalo na sa pagpapaabot ng mga sumbong ukol sa mga pinagtataguan ng mga teroristang grupo maging sa mga itinatago nitong mga armas.
Marahil, ayon kay Major General Alex Luna, Commander ng 9th Infantry (SPEAR) Division at Joint Task Force Bicolandia (JTFB), mas nagiging malinaw na sa mga Bicolano ang kanilang responsibilidad at importansya sa kampanya ng gobyerno laban sa insurhensiya.
“Kami po ay muling nagpapasalamat sa walang humpay na pakikipagtulungan ng mga Bikolano. Patotoo lamang ito na ayaw na at sawa na ang mga tao sa mga ginagawa ng mga teroristang grupo. Kami po ay umaasa na ang mga natitira pang mga miyembro ng CTG na nagpapakahirap sa bundok ay maliwanagan na,na sila ay isinusuplong na ng taong bayan. Umaasa po kami na sa pamamagitan nito ay madadagdagan pa sa mga susunod na araw ang mga bababa sa bundok upang boluntaryong sumuko at magbagong buhay,” ani MGen. Luna.
Nito lamang nakaraang linggo, Setyembre 4, nang dalawang miyembro ng CTG ang boluntaryong sumuko, bitbit ang kanilang mga armas. Samantala, mga de-kalibreng armas, bala at pampasabog naman ang nasamsam ng pinagsamang pwersa ng mga sundalo’t pulis sa Barangay Calmayon, Juban Sorsogon dahil sa sumbong ng mga residente. (VICTOR BALDEMOR)