TULUYAN na umanong nabuwag ng Armed Forces of the Philippine ang may 66 Guerilla front ng New People’s Army ang armadong galamay ng Communist Party of the Philippine.
At sa pagtataya ng AFP ay nasa 2,000 na lamang ang aktibong miyembro ng New People’s Army (NPA), kasabay ito sa pagbaba sa 23 mula sa 89 guerilla fronts noong 2016.
Ito ang inihayag ng bagong hirang na AFP spokesman, Col. Medel Aguilar kasunod ng tanong na nabigo ang Sandatahang Lakas sa pangako ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tuluyan niyang wawasakin ang puwersa ng CPP-NPA bago matapos ang kanyang termino.
Ayon kay Col Aguilar ang nasabing datos 74 porsiyentong kabawasan sa puwersa ng binansagang teroristang grupo subalit nilinaw nito na maaari pang tumaas ang nasabing bilang dahil kasalukuyang nagsasagawa sila ngayon ng validation hinggil sa bilang ng CPP-NPA at kanilang mga supporteres particular yung mga sinasabing kasapi ng Milisyang Bayan.
Dagdag pa ni Col Aguilar, 25,000 tagasuporta ng NPA ang sumuko at nagbalik-loob na sa gobyerno.
Si Aguilar na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1992.ay hinirang na kahalili sa pwesto ng binakante ni Col. Ramon Zagala na na-appoint bilang bagong pinuno ng Presidential Security Group at Senior Military Assistant to the President ni President Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Aguilar, mananatiling committed ang AFP sa kanilang trabaho na protektahan at bigyan ng seguridad ang bansa.
Bago maging spokesperson, nagsilbi rin si Aguilar na deputy commander ng Civil Relations Service ng AFP.
Noong 2016 naging spokesperson din siya ng Cebu-based Central Command bago na-designate bilang Philippine Army Provost Marshal noong 2019.
Naging commander din si Aguilar ng 10th Civil-Military Operations Battalion ng 10th Infantry “Agila” Division at commanding officer ng 49th Infantry Battalion ng 9th Infantry “Spear” Division mula 2014 hanggang 2015. (VICTOR BALDEMOR)














