Naglabas ng babala sa publiko ang Archdiocese of Manila – Office of Communications (AOC) laban sa mga nagpapanggap na pari ng Simbahang Katoliko na nagsasagawa ng banal na misa sa labas ng Simbahan.
Napag-alaman kay National Shrine of the Sacred Heart Team Ministry Member, AOC Director Fr. Roy Bellen, ang mga pekeng pari ay naggagawad ng mga sakramento sa pamayanan.
“We would advise, therefore, those who wish to celebrate mass in their respective offices or schools, to follow the suggested protocols. Apart from preparing a conducive place for the celebration to help the attendees dispose internally and to actively participate, the organizers also need to coordinate beforehand with the respective parish that serves the ecclesiastical jurisdiction to inform them about the mass that is to be celebrated and who will be the presiding priest,” ani Fr. Bellen.
Inilabas nito ang babala dahil nakaugalian na umano ang pagsasagawa ng misa sa mga opisina, eskwelahan at iba pang institusyon para sa debosyon ng mga Pilipino sa Most Sacred Heart of Jesus.
Ayon pa kay Fr. Bellen, mahalagang malaman ito ng mga parokyang nakakasakop sa lugar na pagdarausan ng misa sa labas ng Simbahan upang matukoy kung lehitimong pari ng Roman Catholic Church ang punong taga-pagdiwang at maiwasang mabiktima ng mga nagpapanggap na pari.
Aniya, dapat na maging mapagmatyag ang bawat isa lalo sa pag-imbita ng mga paring mangunguna sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa kani-kanilang mga lugar at mahalagang hingin ang celebret ng mga pari na may lagda ng obispo ng kinabibilangang diyosesis, upang matiyak ang pagkakilanlan at pagiging lehitimo ng pari..
Nilinaw ni Fr. Bellen na iginagalang nito ang ibang denominasyon subalit nanindigang hindi dapat gamitin ang pangalan ng Roman Catholic Church.
Kamakailan lamang ay pinuna ng mamamayan ang student council ng Far Eastern University, makaraang maimbitahan at pamunuan ng nagngangalang Fr. Paolo Cobangbang ang isang misa.
Anila,. si Cobangbang ay hindi umano pari ng Roman Catholic Church kundi mula sa grupong ‘Old Roman Catholic’ na hindi ‘in full communion’ sa Santo Papa sa Vatican.














