May bagong arsobispo na ang Archdiocese ng Caceres.
Ayon sa maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), pormal nang itinalaga ni Pope Francis si Daet Bishop Rex Andrew Alarcon upang pamunuan ang Caceres Archdiocese.
Papalitan ni Alarcon sa puwesto si Archbishop Rolando Tria Tirona, na pinahintulutan nang magretiro ng Simbahang Katolika sa edad na 77, matapos ang halos 12 taong pamumuno sa naturang arkidiyosesis.
Nabatid na bilang arsobispo ng Caceres, si Alarcon, 53, ang naatasang mangasiwa sa pastoral care ng mga Katoliko sa Naga City, na ikinukonsidera bilang economic, cultural, educational, at religious center ng Bicol region.
Anang CBCP, ang archbishop-elect ay ipinanganak sa Daet, na provincial capital ng Camarines Norte, noong Agosto 6, 1970.
Siya ay nag-aral ng theology sa University of Santo Tomas (UST) Central Seminary sa Maynila at naordinahan bilang pari para sa Archdiocese of Caceres noong Nobyembre 9, 1996.
Bago naging Obispo, pinamunuan niya ang Bicol Association of Catholic Schools at nagsilbi bilang pangulo ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP).
Noong Enero 2, 2019 naman ay itinalaga siya ng Santo Papa bilang Obispo ng Daet at naordinahan sa episcopate noong Marso 19, sa kaparehong taon.
Kasalukuyan ring siyang nagsisilbi bilang chairman ng Episcopal Commission on Youth (ECY) ng CBCP.