INAASAHAN ng OCTA Research Group na papalo pa sa 1,000 ang magiging arawang kaso ng COVID-19 sa pagtatapos ng Hunyo o sa umpisa ng Hulyo sa Metro Manila makaraang makitaan ng panibagong pag-akyat ng kaso ang rehiyon.
Katumbas nito ang 7 kada 190,000 population na average daily attact rate (ADAR) at inaasahan rin na maaabot ang pinakamataas na bilang sa pagtatapos ng Hulyo, ayon kay OCTA fellow Dr. Guido David.
Una nang sinabi ng OCTA na maaaring maitaas ang alert level ng Metro Manila kapag naabot ang ‘moderate risk’ sa rehiyon o 6 kada 100,000 ADAR kasabay ng pag-akat ng healthcare utilization rate sa 50% o higit pa.
“Posible ito mangyari by end of June or first week of July base sa mga projections natin,” saad ni David sa kanilang mga projections na ibinase sa datos ng Department of Health (DOH).
Pero naniniwala si David na hindi nila nakikita na tataas ang hospital utilization sa Metro Manila ngunit hindi umano nangangahulugan ito na hindi na dapat mag-ingat ang mga residente ng rehiyon.
Una na ring sinabi ng DOH na maaaring tumaas sa 4,800 ang mga nao-ospital sa Agosto dahil sa COVID-19 sanhi na rin ng mababang nagpapa-booster shot.
Nasa 70 milyon nang Pilipino ang nakakumpleto ng primary series ng bakuna ngunit sa bilang na ito ay nasa 14.8 milyon pa lamang ang nagpapa-booster. (Arsenio Tan)














