Latest News

APD, KUNSUMISYON ANG DALA KAY BAGONG AIRPORT GM INES

By: Jerry S. Tan

Ni hindi pa nakakahuma ang bagong-upong Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Eric Ines, dalawang magkasunod na problema na kaagad ang dinala sa kanya ng  Airport Police Department (APD).
Nito lang kamakailan ay kanyang ipina-relieve ang limang miyembro nito  matapos silang kasuhan ng PNP – Aviation Security Group at akusahan ng pangingikil ng isang  Chinese national na naghahatid  lamang ng kanyang kaibigang Chinese din sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3.
Napag-alaman  kay LTC Alfred Lim, hepe ng PNP AVSEGROUP, na reklamong robbery-extortion ang kanilang inihain sa Pasay City prosecutors’ office noong Miyerkules matapos makunan ng salaysay ang hindi tinukoy na biktima.
Sabi ni GM Ines, nagsasagawa din ng sariling imbestigasyon ang MIAA  batay sa pag-review nila ng CCTV footages sa lugar kung saan diumano nangyari ang insidente at ito umano ay magsisilbing basehan ng magiging takbo ng imbestigasyon.
Hinihintay naman umano ng PNP-Avsegroup ang nasabing kopya ng CCTV recording para sa kanila ring sariling pagsusuri. Di pa pinapangalanan ang limang APD hanggang ngayon, bagay na hihihintay ng mga reporters na kumo-cover sa NAIA.
Sinabi ng biktima sa reklamo na nangyari ang insidente bandang alas-6 ng gabi noong Pebrero 4 sa departure area ng NAIA terminal 3.
Diumano, maghahatid lamang ang biktima sa kanyang kaibigan na isa ring Chinese nang lapitan sila at sitahin ng limang miyembro ng APD at hinanapan ng pasaporte.
Dahil di naman siya pabiyahe, litrato na lamang sa cellphone ang kanyang ipinakita pero sa kabila nito ay dinala pa rin umano siya ng mga APD sa ikaapat na palapag ng NAIA Terminal 3 at doon ay gumamit umano ng translator app ang mga suspek para sabihan ito na makukulong siya kung hindi magbibigay ng P15,000 para sa kanyang kalayaan.
Dala ng takot ay nagbigay umano ng biktima ng nasabing halaga bago tumuloy sa pulisya para magreklamo.
Bago niyan, nito lamang Enero 21 ay dalawang APD ang sumabit din matapos na  dumaan sa northbound ng EDSA bus lane at tumangging ibigay ang lisensya na humantong sa pagtatalo at pang-aagaw ng cellphone sa MMDA enforcer.
Nag-viral ang video at agad naman kumilos si GM Ines nang tanggalin din sa puwesto ang dalawang APD. Bukod sa Presidente, Bise Presidente, Senate President, Speaker of the House of Representatives at Supreme Court Chief Justice, ang maaari lamang na dumaan sa busway ay ang mga bus na may EDSA busway route, sasakyan ng PNP at mga marked emergency vehicle tulad ng ambulansya at fire truck.
Nangyari ang mga ito sa kabila nang sa kanyang unang pagharap sa mga kawani ng MIAA ay partikular na pinagsabihan ni GM Ines ang mga APD na pasaway.
* * *
Maaaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.
Tags: ,

You May Also Like

Most Read