APAT PATAY, KABILANG ANG 1 AUSTRIAN SA TULAY NA BUMAGSAK

KINUMPIRMA kahapon ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na may apat katao ang inulat na nasawi sa pagbagsak ng lumang tulay ng Loay o Clarin Bridge Miyerkules ng hapon.

Base sa report ng Loay Municipal Disaster Risk reduction Management Office at Bohol Police Provincial Office, nangyari ang pagbagsak ng tulay na nasa Barangay Poblacion sa Ubos, Loay, alas- 4:18 kamakalawa ng hapon.


Kabilang sa mga sinasabing nasawi sa pagbagsak ng tulay na una nang nasira ng lindol nuong 2013 sina Michael Ouschan, isang Austrian national; Arniel Cilos, Emilia Gemina at Epifhany Onada.

Ilang pribadong sasakyan umano ang sabay na nahulog sa ilog, kung saan ilan sa mga ito ay nadaganan ng bahagi ng bumagsak na tulay.

Nabatid na kasalukuyang ginagawa pa rin ang bagong tulay sa tabi ng bumagsak na Clarin Bridge at tanging mga tao pa lamang ang mga nakakadaan.


Ang lumang Clarin Bridge ay nasira nuong 2013 Bohol subalit ginamit na detour bridge para sa ongoing new Clarin Bridge, isang Nielsen-type bridge na katabi ng lumang tulay.

Sinabi ni Police Lt. Thomas Zen Cheung, information officer ng Bohol Provincial Police Office, na naitala ng mga awtoridad ang apat na pagkamatay bandang 7:45 p.m., nitong Miyerkules, kabilang ang isang dayuhan.


Sinabi rin ni Cheung na nasagip na ng mga awtoridad ang kabuuang 18 indibidwal, habang nasa 15 indibidwal naman ang sugatan.

Nasa 10 sasakyan, kabilang ang dalawang dump truck, ang nalubog sa Loboc River nang gumuho ang Old Clarin Bridge. (VICTOR BALDEMOR)


Tags: National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC)

You May Also Like

Most Read