DEAD on the spot ang apat na kalalakihan habang isa nilang kasamahan ang malubha ding nasugatan sa naganap na pamamaril kamakalawa ng madaling araw sa Barangay Baas, Lamitan City, Basilan.
Sa ulat na ibinahagi ni Col. Richard Verceles, operations chief ng Area Police Command-Western Mindanao kasalukuyang natutulog ang mga biktima sa loob ng isang bahay nang sumalakay ang mga hindi pa nakikilalang salarin at pagbabarilin ang mga ito bandang alas 3:30 ng madaling araw.
Kinilala ni Verceles ang mga napatay na sina Gappal Mustapa alyas Pagi at isang menor de edad, Ardayan, at Dammang Amoto, na kapwa nakatira sa Barangayu Bohe, bayan ng Ungkaya-pukan, Basilan.
Sugatan naman ang 18 -anyos na si Muafiz Tamudjul, ng Bohe Pahuh, Ungkaya Pukan at ito ay kasalukuyang nasa ospital pa.
Base sa paunang imbestigasyon, dumalo ang mga biktima sa kasal ng isang kamag-anak nitong Lunes ng hapon. Dahil ginabi ay nagpasyang makitulog na lamang at kinabukasan na umuwi subalit wala nang umagang nagisnan ang apat nang pagbabarilin sila ng mga sumalakay na armado ng M16 rifles
Na-recover sa crime scene ang isang M16 rifle at 16 empty shells ng 5.56 ammunition.
Agad namang ipinag-utos ni Brig Gen. John Guyguyon, director ng PRO-BAR, ang mas malalim na imbestigasyon para matukoy ang mga salarin at motibo sa pamamaril. (VERLIN RUIZ)














