APAT na ranking police officers ang napabilang sa pinakahuling reorganisasyon sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Sa ibinabang kautusan ni PNP chief General Rommel Francisco Marbil, simula kahapon ay nagsimula nang manungkulan bilang direktor ng Directorate for Personnel and Records Management si PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) Director Major General Sidney Hernia.
Hinalinhan niya si Major General Belli Tamayo, na sumapit na sa kanyang ‘mandatory retirement age’ na 56 nitong Abril 18, 2024.
Sa hiwalay na kautusan, pamumunuan naman ni Brig. Gen. Ronnie Francis Cariaga ang ACG kapalit ni Hernia, habang si Brig. Gen. Aligre Martinez ay magiging acting director ng Police Regional Office 11 (Davao) kapalit ni Brig. Gen Alden Delvo.
Samantala, si Col. Aden Lagradante ay itinalagang officer- in -charge ng PNP Command Center na nasa ilalim ng Directorate for Operations.
Ito ang kauna unahang balasahan na ipinag-utos ni PGEn. Rommel Francisco Marbil sa hanay ng Pambansang Pulisya bilang bagong hepe ng PNP.
Magugunitang una nang sinabi ni PNP Chief Marbil na hindi siya magpapatupad ng malawakang balasahan sa buong hanay ng kapulisan, maliban na lamang kung mayroon itong mabigat na dahilan.














