APAT NA PULIS NA SANGKOT SA ‘CRIME OF PASSION’, NI-RELIEVE

By: Victor Baldemor Ruiz

MAY mga kasong kakaharapin na at ni-relieve na rin sa kani-kanilang puwesto ang dalawang pulis na magkalaguyo at ang kanilang mga nilokong asawa na mga pulis din, nang mauwi sa pamamaril ang nangyaring habulan matapos na mahuli ang dalawang magkalaguyo sa Laguna.

Magugunita na napaulat na may dalawang magkalaguyong kapwa pulis ang naaktuhan ng kanilang mga asawang mga pulis din habang nagtatalik diumano sa loob ng isang sasakyan na nakaparada sa parking lot ng isang shopping mall sa Calamba, Laguna.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Public Information Office (PIO) Chief PCol. Jean Fajardo, pansamantalang inilagay sa ‘restrictive custody’ ngayon ang tatlong pulis, habang ang nabaril naman ay kasalukuyang naka-hospital arrest.


Napag-alamang nabaril ng lady cop ang kanyang pulis na mister sa braso nang tumalon ito sa sakyan.

Sa inisyal na impormasyon, tinangkang umiwas ng dalawang magkalaguyong pulis matapos silang maaktuhan ng kani-kanilang mga asawa na magkasamang dumating sa parking lot.


Dito umano pinaputukan ang gulong ng sinasakyang kotse ng mga humahabol na pulis, habang ang isa naman sa mga nasa kotse ay nahagip ng bala matapos tumalon mula sa sasakyan.

Inihayag ng pamunuan ng PNP na isasailalim sa pre-charge investigation ang apat na pulis at posibleng maharap sila sa kasong administratibo at kriminal na maaaring maging dahilan para tuluyan silang masibak sa serbisyo.


Pinaalalahanan ng PNP ang kanilang mga miyembro na umakto nang tama, alinsunod sa kanilang mandato at ‘principle of morality and professionalism’ na bahagi rin ng kanilang police officer’s pledge.

Tags: Philippine National Police (PNP)

You May Also Like

Most Read