INIHARAP ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police (PNP) Chief Rommel Francisco Marbil ang apat na pulis na inaresto dahil sa pagkakadawit umano sa pagdukot sa tatlong Chinese at isang Malaysian sa Pasay City, habang may ilang sibilyan na kasabwat umano ng mga pulis na kinabibilangan ng umano’y isang dating pulitiko at isang immigration officer ang kasalukuyang tinutugis na ng mga awtoridad.
“This incident is a serious breach of public trust and the core values of the police force. The Philippine National Police (PNP) will not tolerate any misconduct within their ranks,” ayon kay SILG Abalos sa ginanap na presentation ng mga suspek.
“They are committed to transparency throughout the investigation and prosecution process and will provide regular updates to ensure all developments are communicated effectively,” anang kalihim.
Kinilala ang mga suspek na sina Police Major Christel Carlo Villanueva, Police Senior Master Sergeant Angelito David, Police Master Sergeant Ricky Tabora at Police Staff Sergeant Ralph Tumanguil na nakatalaga sa Makati City, Pasay City at sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sa ‘facts of the case’ na ibinahagi ni Sec. Abalos, sakay ang apat na foreign nationals ng kanilang sasakyan nang harangin sila ng ilang pulis sakay ng Philippine National Police (PNP) motorcycle sa Taft Avenue. Nakasunod din ang isang puting van sa kanilang sasakyan.
“Pagkatapos, bumababa at kinuha ‘yung apat na dayuhan. They abducted the four individuals,” pahayag pa ng kalihim.
Pinakawalan umano ang dalawa na kapwa nagtamo ng injuries, matapos magbigay ng P2.5 milyong ransom sa kidnappers.
Samantala ay nakatakas naman umano ang dalawa na humingi ng tulong sa mga awtoridad, kaya nagkasa ng operasyon ang PNP at nasakote ang apat na pulis, pahayag naman ni General Marbil
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong kidnapping with ransom, robbery at carnapping, matapos marekober ng mga awtoridad ang ebidensya laban sa kanila tulad ng CCTV footage, phones, PNP-issued firearms at mga motorsiklo.
Tinutugis sa ngayon ang iba pang suspek, kabilang ang sibilyang mastermind, ani Marbil.