Latest News

APAT NA KABATAANG WANTED SA ‘MURDER’ DINAKIP SA MAYNILA

By: Baby Cuevas

ARESTADO sa Sta. Ana, Maynila ang apat na kabataan na pawang ‘wanted’ umano sa mga awtoridad dahil sa kasong pagpatay.

Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina Gedrick Rodillas, 18, tricycle driver, ng San Andres Bukid, Manila at itinuturing na Top 1 most wanted person (MWP) sa station level; AJ Atienza, 18, tricycle driver, ng San Andres Bukid, Manila, na itinuturing na Top 4 MWP sa station level; at dalawang 16-anyos na lalaki, na hindi na pinangalanan dahil sa pagiging menor de edad ng mga ito, ngunit kapwa itinuturing na Top 2 at Top 3 MWP sa station level.


Ayon sa naantalang ulat ng Warrant and Subpoena Section ng Manila Police District (MPD), dakong alas-5:45 ng hapon ng Biyernes nang maaresto ang mga suspek sa Zobel Roxas St., sa Sta. Ana, Maynila.

Nauna rito ay may nakapagbigay umano ng tip sa mga awtoridad hinggil sa kinaroroonan ng mga suspek kaya’t kaagad nagkasa ng operasyon laban sa kanila.

Di na nakapalag pa ang mga suspek nang silbihan ng mga awtoridad ng warrant of arrest para sa kasong murder na inisyu ni Hon. Cristina Javalera Sulit, presiding judge ng Makati City Regional Trial Court Branch 140 noong Hunyo 13, 2024.



Naharap sa kaso ang mga suspek kaso matapos na pagsasaksakin ang textmate ng nobya ni Rodillas sa P. Ocampo St., sa Brgy. La Paz, Makati City, dakong alas-8:20 ng gabi noong Disyembre 1, 2023.

Lumitaw sa imbestigasyon ng Makati City Police na selos ang pinagmulan ng krimen.


Bago niyan ay nakita umano ni Rodillas na may ka-text ang kanyang nobya sa cellphone nito. Dala ng selos, pinilit umano ng suspek ang nobya na makipagkita sa kanyang textmate sa isang gasolinahan sa naturang lugar.

Nang dumating ang biktima, tinawagan umano ni Rodillas ang kanyang mga katropa at saka pinagtulungang bugbugin at tatlong ulit na saksakin ang biktima na nagresulta sa agad nitong pagkamatay.



Tags: Manila Police District (MPD)

You May Also Like