APAT NA HOLDAPER NG NEGOSYANTE, KALABOSO

By: Itchie G. Cabayan

KALABOSO ang binagsakan ng apat na holdaper matapos na maaresto ang tatlo ng mga tauhan ng Manila Police District -Police Station 1 sa isinagawang follow-up operation kamakalawa ng hapon sa may Pacheco St., near corner Osmeña St., Brgy 67, Tondo, Maynila. Ang ikaapat na suspek ay sumuko kalaunan.


Kapwa nakadetine sa MPD-PS 1 ang mga suspek na sina Rhandi Alcaide, 29; Luke Manlutac, 26 at Kester Valde , 33; pawang taga- Panday Pira, Tondo; at si Franco Magbanua ,22, ng No. 457 Avuset St., Brgy. 117, Tondo.

Ang tatlong suspek ay naaresto sa isinagawang follow-up operation,habang si Magbanua ay isinuko naman ng kanyang kapatid na Barangay Kagawad.

Ayon sa imbestigasyon, naganap umano ang insidente alas- 3 ng hapon sa nasabing lugar.


Sinabi ng biktimang si Mark Anthony Camba, 43, negosyante, na nakasakay siya sa kanyang sasakyan at binabagtas ang nabanggit na lugar nang harangin ng mga suspek.

Hinawakan umano ng suspek na si Alcaide ang salamin ng sasakyan ng biktima habang tinutukan naman ng patalim ni Manlutac ang biktima at pilit na hinihingi ang cellphone nito at bag.


Ang insidente ay kapwa nakita nina Hazel Atienza at Ramiro Floqio na kaagad humingi ng tulong sa mga naka-duty na Barangay Tanod.

Nabulabog ang mga suspek at kaagad na nagsitakbuhan nang makita na may paparating na mga Barangay Tanod, habang humingi naman ng tulong sa 911 ang biktima dahilan para umaksyon ang mga tauhan ng Don Bosco-PCP na naging dahilan para maaresto ang mga suspek.


Sinampahan ng kasong Attempted Robbery sa illaim ng Art. 293 ng Revised Penal Code ang mga suspek sa Manila Prosecutor’s Office.

Tags: Manila Police District Police Station 1

You May Also Like