By: JANTZEN ALVIN
INARESTO ng mga ahente ng National Bureau of Investigation – Cybercrime Division (NBI-CCD) ang apat na hackers na miyembro ng ‘Blood Security Hackers’ na sangkot sa pag- hack ng website ng Commission on Election (Comelec) at Sky Cable, sa isang entrapment operation nitong Hulyo 9, 2024 sa Tagaytay City, Cavite.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, ang mga naaresto ng NBI ay sina Eden Glenn Petilo, Carlo Reyna, John Kenneth Macarampat at Leonel Obina, pawang miyembro ng Blood Security Hackers.
Ang operasyon ay nag-ugat umano sa mga “unauthorized breaches” ng mga government websites.
Ayon sa impormasyong natanggap ng NBI-CCD, may isang grupong responsable sa mga cyber intrusion ng Comelec at Sky Cable Data ang iniaalok na ibenta.
Agad na umaksyon ang NBI-CCD at nagsagawa ng surveillance operation at nang makumpirma na ang mga suspek ay responsable sa pinakahuling cyber intrusions ay ikinasa ang entrapment operation.
Nakipag-transaksiyon ang NBI-CCD para umano bilhin ang data breach ng Sky Cable na naglalaman ng impormasyon ng mga subscriber.
Noong Hulyo 9, 2024, ikinasa ng mga ahente ng NBI-CCD ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa apat na hackers.
Ayon kay Santiago, ang mga suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 26 paragraph (b) (Unauthorized processing of personal sensitive information) at Section 29 (Unauthorized Access or Intentional Breach) of the Data Privacy Act (R.A. No. 10173); Section 5 (b) (Attempt in the Commission of Cybercrime) at Section 4 (a) 1 (Access of the whole o any part of a computer system without right) of the Cybercrime Prevention Act (R.A. No. 10175).