Napanatili ng Super Typhoon Pepito ang lakas nito at posible pa ring makapaminsala at maging banta sa buhay habang nagbabadyang manalasa sa hilagang bahagi ng Luzon bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility.
Kahapon ay naglabas ng heavy rainfall warning ang state weather bureau PAGASA para sa malaking bahagi ng Luzon dahil sa bagyong Pepito matapos na mag-landfall sa Quezon.
Bilang paghahanda sa posibleng malawakang pagbaha ay binuksan ang gate ng ilang dam sa Luzon nitong Linggo ng umaga upang magpakawala ng tubig bago pa magbuhos ng malakas na pag-ulan si Pepito (international name: Man-Yi). Kabilang dito ang Ambuklao, Binga, San Roque at Magat dam.
Bukas ang apat na gate ng Ambuklao Dam sa Benguet na malapit na rin sa kanyang spilling level. Bukas din ang apat na gate ng Binga Dam sa Benguet habang dalawang gate ng San Roque Dam ang binuksan rin . Binabantayan naman ang Magat Dam na nasa 181.93 metro na malapit na sa 193-meter spilling level.
Inaasahang magdudulot si Pepito ng heavy to intense rains (100-200 mm) sa Benguet, Pangasinan at iba pang lugar sa hilagang Luzon simula kahapon araw ng Linggo, ayon sa PAGASA.
Samantala, bukod sa dalawang napaulat na nasaktan bunsod ng bagyo ay umaabot naman sa 24,000 familieso 75,000 katao ang nananatili ngayon sa may 566 evacuation centers sa iba’t -ibang panig ng bansa sanhi ng mga nakahilerang bagyo na tumama sa Pilipinas.
Bukod sa nasabing bilang ng evacuees ay may 36,000 o 11,000 libong pamilya naman ang nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.
Ayon sa ulat ng National Risk Reduction and Management Council nitong Linggo ng umaga ay nasa 238,000 families – 825,000 katao na ang naapektuhan ng Super Typhoon Pepito, karamihan ay nasa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region at Cordillera Administrative Region.
Isang16-anyos na binatilyo naman ang naputulan ng daliri nang hampasin ng malakas na hangin ang pinto ng evacuation center sa Dilasag, Aurora habang isang 37-anyos na lalaki naman ang nasaktan dahil sa nylon rope sa Barangay Masagan.
May P469 million na ang inulat na inisyal na danyos sa imprastraktura sa Cagayan Valley, Central Luzon at Cordillera.














