INILIGTAS ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang apat na biktima ng isang sindikato ng human trafficking nang masabat ang sinasakyan nilang sea vessel sa karagatan ng Tawi-Tawi nitong nakaraang Biyernes.
Sa ulat ng PCG-Maritime Security Law Enforcement Command (MARSLEC), nasabat nila ang apat na indibidwal sakay ng M/V Everqueen na patungo sa Malaysia gamit ang “backdoor channel” ng bansa.
Ipinagtapat ng apat na magtatrabaho umano sila bilang mga loggers ng J/T Logging Company at inamin na wala silang mga kaukulang dokumento.
Dinala ang apat na indibidwal sa Bongao Municipal Inter-agency Committee Agaisnt Trafficking (MIACAT) para sa tamang disposisyon.
Samantala ay patuloy naman ang mahigpit na pagbabantay ng PCG sa karagatan ng Mindanao na ginagamit ng mga traffickers sa pagbibiyahe ng mga tao at pagpupuslit ng mga produkto. (Philip Reyes)














