APAT na kataong sangkot diumano sa illegal quarrying kamakailan sa Antipolo, Rizal ang dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation – Environmental Crimes Division (NBI-EnCD).
Kinilala ang apat na sina Ronnie Nastor, Ely Caiso, Markie Luna at Jundy Caiso.
Sila ay sinampahan ng kasong paglabag Section 103 of R.A. 7942 (Philippine Mining Act of 1995) sa Antipolo Prosecutor’s Office.
Napag-alaman na ang operasyon ng NBI ay nag-ugat sa liham ng Department of Environment and Natural Resources – Mines and Geosciences Bureau Region (DENR-MGB) IV-A para maimbestigahan ang illegal quarrying na ino-operate ng isang Roy Padrelanan sa Barangay San Jose, Antipolo City nang walang kaukulang permit at clearance mula sa Provincial Mining Regulatory Board (PMRB) sa lalawigan ng Rizal at sa DENR-MGB Region IV-A.
Agad na nagsagawa ng serye ng surveillance operations ang operatiba ng NBI-EnCD at nang makumpirma ay ikinasa ang nasabing operasyon .
Ayon sa NBI, wala rin umanong naipakitang Mineral Production Sharing Agreement, Industrial Sand and Gravel Permit o Mineral Processing Permit na inisyu kay Padrelanan at sa halip qy nag-isyu ng cease and desist order ang PMRB laban kay Padrelanan na pinatitigil sa kanya ang quarrying operations.