Isa nang international shrine ang Antipolo Cathedral sa Antipolo City, Rizal, matapos maglabas ng isang decree ang Vatican nitong Sabado.
Ayon sa Facebook post ng Antipolo Cathedral ang nasabing Simbahan ay kikilalanin na ngayon bilang ‘International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage.’
“As one brethren, let us celebrate March 25 with joy and cheer. Aside from the Feast of the Annunciation of the Lord and the anniversary of the departure of the Our Lady of Antipolo from Acapulco, Mexico to the Philippines, this is the most awaited day of the Effectivity of Elevation of the International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage,” anunsiyo pa ng Antipolo Cathedral.
Nagdaos ng banal na misa para sa naturang mahalagang okasyon alas-8 ng umaga nitong Sabado, sa pangunguna ni Rev. Fr. Reynante Tolentino upang ianunsiyo ang pagkakaroon na ng cathedral ng international shrine status.
Alas-6 ng gabi ng Sabado ay mayroon namang prusisyon sa mga lansangan sa Antipolo bilang parangal sa Our Lady of Peace and Good Voyage.
Nabatid na ang Antipolo Cathedral ang kauna-unahang international shrine sa bansa, ikatlo sa Asya at pang-11 naman sa buong mundo.
Una nang nakiisa si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa selebrasyon ng naturang magandang balita.
“Nakikiisa tayo sa kapwa nating Katoliko sa pagdiriwang sa deklarasyon ng Vatican sa Antipolo Cathedral bilang kauna-unahang international shrine sa bansa at ikatlo sa buong Asya. Nawa’y palalimin pa ng karangalang ito ang pananampalataya ng bawat isa,” ayon kay Marcos. (Carl Angelo)














