TINIYAK kahapon ng Department of Health (DOH) na isa ang Pilipinas sa mga mauunang bibili ng ‘omicron adapted vaccines’ na tinawag rin na ‘new generation vaccines’ mula sa mga bansang nagma-manufacture nito sa oras na maging handa na ito.
“We are going to explore that possibility. We are preparing, and we are going to procure if ever it is available already,” pagtitiyak ni DOH officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Ayon umano sa mga vaccine manufacturers, ang kasalukuyang mga bakuna ay ginawa para sa mga dating variants ng COVID-19 at hindi para sa Omicron, kaya nagsasagawa ngayon ng mga bagong formulation.
Inaasahan naman na magiging handa na ang naturang uri ng bakuna, partikular ang gawa ng Moderna, pagsapit ng ikaapat na quarter ng kasalukuyang taon.
Naghanda na umano sila ng pondo ukol dito para kung magbigay na ng ‘go-signal’ ang mga eksperto ay agad silang makakabili.
Agad rin naman umanong magbibigay ng rekomendasyon ang Food and Drugs Administration sa expert panel ng Health Technology Assessement Council (HTAC) para mabilis na mabigyan ang bagong bakuna ng ’emergency use authorization’. (Philip Reyes)














