By Tony Gildo
Ligtas na nakauwi ng Pilipinas ang anim na Filipino seafarers na sakay ng Liberia-flagged oil tanker na M/V Al Bahyah sakay ng Qatar Airways Flight QR934 na lumapag sa NAIA Terminal 3.
Sa kanilang pagdating, sinalubong sila at tinulungan ng mga kinatawan ng DMW at OWWA at pinagkalooban din sila ng tulong pinansyal.
Nagsagawa ng paunang medical assessment ang Manila International Airport Authority (MIAA) Medical Team sa mga Pinoy seafarers bago naman sila tinanggap ng mga kinatawan ng kanilang lisensyadong manning agency.
Matatandaan na ang barkong sinasakyan ng anim na tripulanteng Pinoy, ay iniulat na sangkot sa isang insidente habang bumibiyahe sa Strait of Hormuz, kung saan nailigtas ang lima habang nagtamo naman ng minor injury ang isang tripulante.
Pinaalalahanan ng DMW ang mga licensed manning agencies na sundin ang lahat ng safety measures at sumunod sa mga umiiral na direktiba upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Filipino seafarers na bumibiyahe sa mga ‘high-risk maritime areas’, partikular sa Strait of Hormuz.














