ANIM NA NPA AT ISANG SUNDALO PATAY

By: Victor Baldemor Ruiz

AGAD na kinondena ni Defense Secretary Gilberto ‘Gibo’ Teodoro ang naganap na sagupaan sa pagitan ng government forces at communist New People’s Army na ikinamatay ng isang sundalo at ikinasugat ng tatlong iba pa ilang araw bago mag-Pasko sa lalawigan ng Batangas.

Sa ulat ni Philippine Army 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division, anim na armadong kadre ng New Peoples Army ang napatay sa nangyaring sagupaan kahapon ng umaga sa Barangay Malay sa Balayan, Batangas.


Hinihinalang nagbabalak ang nasabing grupo na maglunsad ng opensibang guerilla para patampukin ang kanilang anibersaryo sa darating na December 26 at paggunita sa pagkamatay ni CPP-NPA founding chairman Jose Maria Sison, subalit may isang sundalo rin ang nasawi nang nakasagupa ng pinagsanib na pwersa ng 59th Infantry “Protector” Battalion, Philippine Navy at Philippine Airforce ang isang grupo ng CPP-NPA na pinaniniwalaang kabilang sa SPP Kawing mula sa Southern Tagalog Regional Party Committee Sub-Regional Military Area 4C.

Agad na nagpahatid ng kanyang pakikiramay si Teodoro sa pamilya ng nasawing sundalo.

“Lubos na nakikiramay kami sa pamilya ng ating nasawi na bayaning kawal, na hindi ko pa puwedeng banggitin ang pangalan sa ngayon, sa isang engkwentro ng ating mga kasundaluhan mula sa 59th Infantry “Protector” Battalion ng Philippine Army, kasama ang Philippine Navy at Philippine Air Force laban sa mga armadong miyembro ng New People’s Army (NPA),”pahayag ng kalihim.


Buong-puso tayong nagpapasalamat sa katapatan at kabayanihan ng ating mga sundalo upang ipagtanggol at pangalagaan ang bayan.

“We are ensuring that our wounded soldiers will receive the best medical care, and provide all the necessary assistance to the family of our slain soldier during this difficult time,” pahayag pa ni Sec Teodoro.


Ang AFP ay palaging nakabantay at hindi titigil sa pagsugpo ng lahat ng teroristang grupo na nagdudulot ng kapahamakan sa ating bansa, pagtiyak ng kalihim.

Tugon ni 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division Commander Maj. Gen. Roberto S. Capulong, kahit nalagasan siya ng isang tauhan sa nasabing sagupaan ay hindi sila titigil sa pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin na tiyakin ang kaligtasan at kapayapaan ng sambayanang lalo na ngayong Yuletide Season.


Nanawagan din si Capulong sa mga nalalabing rebeldeng komunista na bigyan ng pagkakataon ang kapayapaan at yakapin na ang inaalok na peace program ng pamahalaan para makasama na nila ang mga mahal sa buhay ngayong Pasko.

Tags: CPP – NPA

You May Also Like