Latest News

ANIM NA MIYEMBRO NG BIFF, SUMUKO SA COTABATO PROVINCE

By: Victor Baldemor Ruiz

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – ANIM na kasapi ng teroristang Bangsamor Islamic Freedom Fighter ang nagbalik-loob sa pamahalaan sa Barangay Salunayan, Midsayap, Cotabato.

Kusang sumuko ang mga ito kina Brigadier General Donald Gumiran, 602nd Infantry (Liberator) Brigade Commander at Lieutenant Colonel Rey Rico, 34th Infantry (Reliable) Battalion Commander sa isang maikling programa na isinagawa kasama ang Philippine National Police at Local Government Unit sa himpilan ng 34IB.

Ayon kay Lt. Col. Rico, dala ng mga dating kasapi ng BIFF ang kanilang mga armas na kinabibilangan ng isang Cal. 30 Garand Rifle, dalawang 7.62mm Sniper Rifle, isang 7.62mm rifle, isang M79 Grenade Launcher at isang M14 Rifle na may mga magazine at bala.


Ipinahayag naman ni Brig. Gen. Gumiran na naging posible ang pagbalik-loob ng mga ito dahil matagumpay silang nahikayat ng ating mga kasundaluhan na bumalik na sa pamahalaan.

“Mas pinaigting din natin ang kampanya laban sa karahasan at pagpapanatili sa kaayusan sa bayan ng Cotabato. Kasama sa layuning ito ang mahikayat ang mga kasapi ng iba’t ibang teroristang grupo na nambibiktima at nanlilinlang ng mga inosenteng sibilyan upang sumama sa kanilang grupo”, pagdedeklara pa ni Brig. Gen. Gumiran.


Iprinisinta naman kay Mayor Rolly Sacdalan ng bayan ng Midsayap ang mga nagbalik-loob para mabigyan ang mga ito ng paunang tulong mula sa pamahalaang- lokal.

Nagpaabot din ng tulong ang Ministry of Social Services and Development – BARMM para sa mga ito.


Samantala, ayon kay Major General Alex Rillera, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central, ang mga nagbalik-loob ay ipapatala sa programa ng gobyerno para sa kanilang integrasyon sa mainstream society.

“Ang mga kahanga-hangang tagumpay na ating nakamit sa kampanya laban sa terorismo at insurhensiya ay maaaring maiugnay sa mabuting pamamahala at matibay na pagtutulungan. Kaya naman pananatilihin natin ang momentum na ito para makamit natin ang pangmatagalang kapayapaan na ating inaasam-asam. Idinadaan sa proseso ang mga nagbabalik-loob upang sila ay makatanggap ng benepisyo mula sa ating pamahalaan at di na muling bumalik pa sa maling paniniwala dulot ng mga mapanlinlang na grupo”, dagdag pa ni 6ID at JTF Central Commander Maj. Gen. Rillera.

Tags: Philippine National Police at Local Government Unit

You May Also Like