DINAKIP ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang anim na mangingisda na hinihinalang sangkot sa iligal na dynamite fishing sa bisinidad ng karagatan ng Ternate, Cavite kamakailan.
Nakilala ang mga naaresto na sina Acer Dote Conjelado, 40, kapitan ng barko; mga tripulante na sina Arnel Bonco Montecalvo, 49; magkapatid na sina Robert Garcia Orqueza, 35 at Jaymar Garcia Orqueza, 25; Nikko Sulibaga Antiojo, 23; at Albert Dote Conjelado, 45, pawang mga residente ng Brgy. Labac, Naic, Cavite.
Sa ulat, nagsasagawa ng intensibong maritime security patrol ang PCG sa karagatan sa may Carabao Island sa Ternate, nang mapansin nila ang isang kahina-hinalang bangkang pangisda.
Nang isailalim sa inspeksyon, dito natuklasan ang anim na bote ng dinamita na may air compressor sa loob ng bangka. Agad na inaresto ang mga mangingisda at dinala ang bangka sa pinakamalapit na dalampasigan para sa kaukulang dokumentasyon.
“The PCG Station Cavite remains active in seaborne patrols to suppress illegal, unreported, unregulated fishing and other lawless activities in their area of responsibility,” ayon sa PCG.
Nahaharap ngayon ang mga dinakip na suspek sa kasong paglabag sa Section 92 ng RA 10654 o Philippine Fisheries Code of 1998. (Carl Angelo)