WALONG katao ang nasawi kabilang ang anim na holdaper nang mauwi sa engkwentro ang isinagawang robbery-in-band ng mga armadong kalalakihan sa isang bakeshop sa lalawigan ng Cotabato,
Sa ulat na ibinahagi ni M’lang Chief of Police Lieutenant Colonel Realan Mamon, hinoldap ng walong suspek ang Regz and Kirks Bakeshop sa Barangay Bagontapay sa bayan ng M’lang .
May mga kostumer umano ang nagtangkang manlaban nang simulang nang limasin ng mga suspek ang kanilang mga salapi at ari-arian dahilan, kaya napilitan ang mga suspek na putukan ang kanilang mga biktima.
Matapos na malimas ang pera,mga cellphone, alahas at kita ng bakeshop ay agad na tumakas ang mga ito, subalit mabilis ding naka-responde ang mga pulis at nagkaroon ng habulan hanggang sa masukol ang mga lawless element na nanlaban sila kaya nagkaroon ng ilang minuto ang palitan ng putok sa magkabilang panig.
Anim sa mga suspek ang nasawi at isa naman sa mga kostumer ng bakeshop ang binawian ng buhay habang isa ang nasugatan.
Minalas namang napuruhan si Police Staff/Sgt Rudy Amihan habang sugatan naman ang kasamahan nitong si Corporal Noli Labesores ng Mlang PNP .
Agad na ipinag-utos ni Col Mamon na tugisin ang nalalabing suspek na nagawang makalayo sa kasagsagan ng putukan. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)