MULI na namang nalagasan ang hanay ng communst terrorist group nang makasagupa nila ang ng tropa ng 7th Infantry (TAPAT) Battalion sa Sitio Sandigan at Sitio Mudti sa Brgy. Chua, Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Sa ulat na ipinararating sa tanggapan ni Army commanding general Ltgen. Romeo Brawner ay kinilala ang mga nasawi na sina Dennis Dolunan alias Kalbo, executive committee member, Deputy Secretary ng East Daguma Front remnants ng Sub-Regional Command (SRC) Daguma, Far South Mindanao Region (FSMR); Lailyn alias Aira, ang misis ni alyas Kalbo at siya rin ang medic ng kanilang pangkat; Sep Kasa alias HO; Jerry Kasa alias Kikil at dalawang lalaki na wala pang pagkakakilanlan.
Ayon kay Lt. Col. Frederick Chicote, Commanding Officer ng 7IB alas-5:30 ng umaga ng Huwebes (Nobyembre 24) nang makasagupa ng tropa ng 7IB ang may sampung mga CPP-New People’s Army na tumagal ng halos kalahating oras.
Na-recover ng tropa ng pamahalaan ang isang AK47, tatlong mga M16 rifle, mga magazine, bala, tatlong bandolier, apat na analog keypad cellphones, dalawang charger, headset, wallet, OR/CR ng motorsiklo na nakapangalan kay Nales Saliling, Certification of motorcycle (Jerry Casa), mga subersibong dokumento at mga personal na gamit.
“This recent encounter exemplifies that the CTG capabilities are significantly degraded. Rest assured that we will sustain our current campaign and strengthen our partnership with all stakeholders to destroy the remaining threat groups who refuse to return to the folds of the law,” ani Western Mindanao Command Acting Commander, Marine Brig. Gen. Arturo Rojas . Wala namang nasaktan sa panig ng mga kawal ng gobyerno.
Upang hindi masira ang kanilang momentum ay inatasan ni Colonel Michael Santos, 603rd Infantry Brigade commander ang ilan pang mga units sa ilalim ng kanyang pamunuan na paigtingin ang kanilang tactical operations na ipinapatupad laban sa mga tumakas a mga rebelde.
Agad namang pinuri ni Major General Roy Galido, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang tropa ng 7IB. Gayunman nalulungkot din ito sa sinapit ng mga nabiktima ng deception at misinformation.
“As much as possible, we don’t want lives to be wasted, because we don’t want to see families suffering from the loss of their family members and loved ones” ang pahayag ni Maj. Gen. Galido, kaya patuloy ang panawagan nito sa mga CTG na magbalik-loob na sa pamahalaan. “I am making calls for the remnants of the CTGs not only in the province of Sultan Kudarat but also in entire area of JTFC to surrender and accept the programs and services being offered by our government.” (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














