INARESTO ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation -Cybercrime Division (NBI-CCD) at NBI- Technical Intelligence Division (NBI-TID) ang anim na Chinese nationals na diumano ay sangkot sa cyber related scams sa isang operasyon nitong Miyerkules sa Angeles City, Pampanga.
Ang mga naarestong Chinese nationals ay kinilalang sina Xiaojun Wang, Xue Feng Zhang, Ke Xin Ge, Die Liu,Yu Jie Wang, at Hong Hong Zhu.
Sila ay kinasuhan sa paglabag sa Computer-Related Forgery sa ilalim ng RA No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012), Social Engineering Schemes under Section 4(b)(1) at Economic Sabotage under Section 4(c)(1) of RA No. 12010 (Anti-Financial Account Scamming Act) in relation to RA No. 10175.
Sinabi ni NBI Director Judge Jaime Santiago na bago naaresto ang mga suspek ay nakatanggap ng liham ang CCD mula sa Naval Intelligence and Security Group (NISG) para humingi ng tulong para sa pagsisilbi ng warrants sa mga suspek na sina Guo Jinxie, Zhangxiao Feng at Hsing Hung.
Ang mga suspek ay may outstanding warrant of arrest na inisyu ng Paranaque RTC dahil sa kasong qualified trafficking in persons under Section 4 (J) in relation to Section 6 of RA No. 9208 as amended by RA 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012).
Napag-alaman ng NBI na si ZhangXiao Feng ay nagkakanlong sa D Heights Resort Golf and Country Club kaya minabuti ng NBI na pumunta sa Angeles,Pampanga.
Nakipag-ugnayan muna ang NBI sa Clark Development Corporation para sa pagsisilbi ng arrest warrant kay Zhangxiao Feng ngunit hindi ito natagpuan sa lugar at sa halip, ang nakita ay mga desktop computers, cellular phones, sim cards, several scripts at customer ledgers.
Ayon kay Santiago, matapos ang isinagawang controlled viewing at examination sa mga desktops’ interface ay nakita ang mga romance scam scripts, messaging applications na may pekeng accounts, bank accounts at fraudulent cryptocurrency investment platforms.
Aniya, ang mga nakitang device ay sangkot sa scamming activities gaya ng catfishing scams, credit card scams, cryptocurrency scams at fake investment scams.
Samantala, ang mga suspek ay isinailalim na sa inquest proceedings sa Department of Justice (DOJ).














