PINASIMULAN na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pakilusin ang karagdagang pwersa ng Philippine Army sa Negros Oriental, kasunod ng sendoff Ceremony sa Barangay Salag, Siaton, Negros Oriental, para tugisin ang mga nalalabing suspek sa Degamo slay case at pairalin ang kaayusan sa Negros Oriental.
Ayon kay AFP Visayas Command (VISCOM) Commander Lt. General Benedict Arevalo, anim na batalyon ang kanilang idineploy na kinabibilangan ng tropa mula 11th; 94th; 79th; 62nd; 15th; at 47th Infantry Battalion.
Idineploy ang mga tropa sa 2nd at 3rd District ng Negros Oriental para tumulong sa Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng Joint Law Enforcement Operations tungo sa agarang paghuli sa mga nalalabi pang mga suspek sa brutal na pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at walong iba pa.
Alinsunod ito sa kautusan ni Department of National Defense (DND) Officer-In-Charge, Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr., at AFP Chief-of-Staff, General Andres Centino, kasunod ng paglikha ng Joint Task Force Negros para sa pagpapanumbalik ng peace and order sa lalawigan.
Samantala , posible rin umanong isang ex-soldier ang lider ng private armed group o liquidation squad na nasa likod ng pagsalakay at pagpaslang kay Gov. Degamo at walong iba pa, ayon sa militar.
Sa isang panayam, inihayag ni Maj. Cenon Pancito III, acting spokesperson ng Joint Task Force Negros, na base sa mga ibinigay na deskripsyon at training, may basehan para isipin nilang maaaring isang dating tauhan din ng Philippine Army ang namuno sa may sampung kataong sumalakay sa Degamo compound .
Kung matatandaan, nahuli ng mga awtoridad ang lima sa mga sinasabing gunmen ng napatay na gobernador at tatlo rito ay pawang mga dating sundalo, kung saan ang isa sa kanila ay napatay sa isang engkwentro.
Pinaghahanap pa ang kanilang mga kasamahan pati na ang hinihinalang mastermind, dahil hindi naman umano kikilos ang nasabing armed group na sarili lamang nila kung walang nag-uutos
“That’s why if we can get into the one who led the 10-man team that stormed the house of Gov. Degamo, I think there will be a clear picture of our hypothesis to the situation,” ani Maj. Pancito.
Samantala, nilinaw naman ni Gen Arevalo na ang presensya ng karagdagang tropa ay makakatulong na mapanumbalik ang kumpiyansa ng mga mamamayan at ma-engganyo ang mga posibleng testigo sa iba pang insidente ng karahasan sa lalawigan na lumutang at makipagtulungan sa mga awtoridad.
Dagdag ni Arevalo, ang deployment ay naglalayong bawasan ang tensyon sa lalawigan upang mahikayat ang mga testigo na lumabas, kabilang na rin ang mga saksi ng mga nakaraang hindi nalutas na insidente ng mga pamamaslang.
Nauna nang inihayag ni Defense Secretary Carlito Galvez, Jr. ang paglikha ng Joint Task Force Negros na mag-iimbestiga ng mas malalim sa mga nakaraang pagpatay sa lalawigan. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)