Pumapalag ang mga riders ng motorcycle taxi company na Angkas matapos magsagawa ang kompanya ng malawakang mass deactivation at pagtanggal ng mga riders nito sa platform.
Ito ay matapos matuklasan na nag-oonboard ang Angkas ng mga riders na walang professional license.
Ayon sa mga Angkas drivers na sinipa sa platform, wala daw umanong sinabi ang Angkas na may kaakibat na panganib ang pagbiyahe nila nang walang professional license at itinatayang marami pa sa mga hanay ng Angkas riders ang buma-biyahe nang walang professional license.
Wala rin umanong alok na professional license processing assistance ang Angkas sa mga riders na sinipa sa platform.
Matatandaang mahigpit na ipinagbabawal ang sinumang motorcycle taxi
driver na bumiyahe nang walang professional license.
Sa pagnanais na mapanatili ang kanilang dominance sa MC Taxi sector, tila di umano gumawa ng masusing proseso ang Angkas sa pagpili ng kanilang riders, at dahil pinayagan ng Angkas na bumiyahe ang mga riders na walang professional license, may ilang sektor ang naghayag ng pangamba na inilagay ng Angkas sa panganib ang mga pasahero at riders nito.
Ngayong nabunyag na marami sa kanilang riders ay walang angkop na lisensya upang bumiyahe, ang isinagawang malawakang deactivation ng mga riders ay mukhang naglalayong itago ang kapabayaan ng Angkas sa publiko, anila.
Marami sa mga driver ng Angkas ang kasalukuyang nagpapahayag ng kanilang pagkadismaya at inilantad nila ang mga tanong ukol sa integridad sa operasyon ng Angkas, ang katotohanan ukol sa safety track record nito at ang epekto nito sa kabuhayan ng kanilang mga riders.
Ayon sa mga sinipang Angkas riders, sila ay umaasa sa platform bilang kanilang pangunahing kabuhayan at sa nasabing mass deactivation na isinagawa ng pamunuan ng Angkas ay maraming pamilya ang kanila umanong ginutom.
“Matatandaang isa sa mga pangako ng Angkas sa pamahalaan ay ang paglikha ng milyong-milyong kabuhayan at iangat ang antas ng pamumuhay ng mga
Pilipino, subalit sa agarang pag-sipa sa mga riders nito, may katotohanan pa kaya ang pangakong ito ni Angkas?,” pahayag ng mga nasabing riders.
Dahil sa isinagawang mass deactivation ng Angkas, handa umanong magsagawa ng malawakang kilos-protesta ang mga Angkas riders upang tutulan ang mga naging hakbang ng pamunuan ng Angkas.
Dagdag pa ng mga riders, ikinakasa na rin nila ang kaso sa DOLE na ihahain nila laban sa Angkas.