By: Itchie G. Cabayan
Agad na nasawi ang isang 41-anyos na Angkas rider matapos barilin ng isang pulis-Maynila na diumano ay inatake niya nang magresponde sa panawagan ng isang security guard kamakalawa ng gabi sa Punta, Sta. Ana, Maynila.
Batay sa ulat ni PCMs Boy Niño Baladjay, imbestigador ng Manila Police District -homicide section, bago ang pangyayari dakong 10:40 kamakalawa ng gabi ay nakatanggap umano ng reklamo ang MPD-Station 6 kaugnay sa isang “domestic violence” na nagaganap sa nasabing lugar.
Agad na nagresponde umano sina Patrolman Reygie Pellas at Jhonex C. Castillo at dinala sa barangay ang suspek na si Christopher Glenn Miralles, ng No. 401 Building C Jaime Cardinal Sin Village, Brgy. 898, Punta, Sta. Ana, Maynila at asawa nitong si Annabelle, 40.
Nag-usap ang mag asawa at humingi ng protection order si Annabelle dahil sa pangamba na muli siyang saktan ng suspect.
Inihatid umano ni Pellas si Annabelle sa tinitirhan nitong bahay at dito ay muling sumulpot ang suspek at sinaktan muli ang asawa na nagtatakbo naman sa loob ng kanilang bahay.
Nasaksihan ito ng isang guwardiya na agad muling tinawag ang noon ay papaalis nang si Pellas. Bumuwelta si Pellas at nang makita siya ng suspek ay kaagad siyang inatake nito, armado ng martilyo at ipinukpok ito sa ulo ni Pellas.
Maya-maya ay inundayan umano ng suspek ng saksak sa tagiliran si Pellas. Sa ikalawang unday ay napaatras at napahiga si Pellas kaya’t napilitan itong barilin ang suspek, sanhi upang agad itong masawi.
Isinugod naman sa Philippine General Hospital (PGH) si Pellas para malapatan ng lunas sa tinamong sugat sa ulo at tagiliran.














