Tulad ng naunang banta ng pamunuan ng Philippine National Police hinggil sa command responsibility, sinibak na sa pwesto si Angeles City Police Director, PCol. Juritz Rara ang hepe ng pitong pulis na inaresto ng mga tauhan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) kamakailan.
Ang pagsibak kay Col. Rara ay bunsod pagkakaaresto sa 7 nitong tauhan na sangkot sa illegal detention at pangingikil sa mga suspek na umanoy sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay PNP spokesperson PBGen. Red Maranan, naisilbi na ni PR03 Director PBGen. Jose Hidalgo Jr., ang relieve order kay Rara.
Ipinalit bilang Officer-In-Charge (OIC) ng Pampanga Police si LtCol. Deonido Maniago Jr.
Kasunod nito ay muling inulit ni PBGen. Maranan ang babala ni PNP Chief General Benjamin Acorda Jr., sa iba pang opisyal na masisibak din sila sa pwesto kapag nakitang mayroong nakakulong sa kanilang hurisdiksyon na wala namang isinampang kaso.
Una nang ipinag-utos ni PGen. Acorda , ang pagbusisis lahat ng jail facility na pinangangasiwaan ng PNP para matiyak na walang nalalabag na karapatan ng mga persons deprived of liberty (PDL) dahil tiyak na sasabit ang mga city at provincial directors sa mga anomalya sa kanilang mga custodial facilities.
Kasabay nito ang babala ni Acorda na isasama sa credentials ng promotion kung pabaya ang mga city at provincial directors sa kanilang mga custodial facility.
Nabatid na nakatakdang maglunsad ng malawakang inspeksyon ang PNP sa mga custodial facilities sa bansa kasunod ginawang pagsalakay at pagdakip ng mga tauhan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa Angeles City, Pampanga at inaresto ang pitong pulis dahil sa iligal na pagkulong sa 13 indibidwal.